Image result for andres bonifacio
ANDRES BONIFACIO
Ipinanganak ang bayaning si Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 1863 sa syudad ng Maynila. Ang kanyang ama ay si ginoong Santiago Bonifacio at ang kanyang ina naman ay si ginang Catalina de Castro.
Panganay si Andres sa anim na magkakapatid at sa murang edad na katorse ay natuto nang maghanapbuhay si Andress buhat noong magkasunod na mamatay ang kanyang mga magulang.
Itinigil na din ni Andres ang kanyang pag-aaral kapalit ng pag tataguyod nya sa limang nakababatang kapatid. Dahil sa likas na talento ni Andres sa gawaing kamay ay natuto syang gumawa ng baston, pamaypay at mga karatula na syang ibinebenta.
Di tumagal ay nagtrabaho si Andres bilang mensahero sa dayuhang kompanya na Fleming and Company. Bukod dito ay nagtrabaho din sya sa isa pang dayuhang kumpanya na Fressel and Company.
Dito natuto si Andres ng salitang ingles. Kahit hindi nakapagtapos ay natuto din si Andres ng salitang espanyol. Nahubog ang kanyang kaalaman sa pagbabasa ng mga librong tungkol sa mga pangulo ng estados unidos, mga nobela ni Rizal tulad ng Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Les Miserables at iba pa.
Si Andres ay dalawang beses nag asawa. Una syang ikinasal kay Monica Palomar ng Tondo. Ngunit maaga ding nabyudo si Andres sapagkat si Monica ay namatay sa sakit na ketong. Di sila pinalad na magka anak.
Taong 1892 ay nakilala naman ni Andres ang ikalawang asawa na si Gregoria de Jesus o mas kilala sa tawag na Oryang. Noong una ay tutol ang magulang ni Oryang sa pag iibigan ng dalawa dahil si Andres ay isang freemason at tinuturing na kalaban ng Simbahang katoliko. Ngunit kalaunay nagpakasal din ang dalawa taong 1893 sa simbahan ng Binondo. Nagkaroon sila ng anak na nagngangalan ding Andres ngunit si Andres Jr. ay maagang namatay sa sakit na bulutong.
Unang naging bahagi ng katipunan si Andres noong 1892 pagkatapos na ipatapon si Jose Rizal sa Dapitan.
Nabunyag ang kilusang KKK sa mga espanyol at taong 1896 noong maganap ang "Sigaw ng Pugad Lawin" o ang pagpilas sa cedula laban sa mga espanyol.
Naganap ang laban ng katipunan laban sa mga espanyol noong Agosto 30, 1896 at maraming umuwing sugatan. Ang labang iyon ay naging malaking banta laban sa mga mananakop na espanyol.
Nagkaroon ng dalawang grupo ang katipunan ito ay ang Magdalo at Magdiwang na pinamumunuan ng pinsan ni Aguinaldo.
Nagkaroon ng pulong na ginanap noong ika 22 ng Marso taong 1897 sa Tejeros, Cavite. Napagpasyahan na maghalal ng pangulo ng unang republika ng Pilipinas. Nahalal na pangulo si Emilio Aguinaldo at naging pangalawang pangulo naman si Andres.
Dahil hindi matanggap ni Andres ang naging resulta ng halalan at pinawalang bisa nya ito. Ngunit kinabukasan ay nanumpa na si Aguinaldo bilang pangulo.
Habang si Andres ay nasa Indang, Cavite ay inatake sila ng Magdalo ngunit inutos ni Andres sa kanyang mga tauhan na wag nang lumaban. Si Andres ay inaresto sa salang pagtataksil laban sa pamahalaang Aguinaldo.
Nilitis si Andres at napatunayang nagkasala at mahatulan ng parusang kamatayan.
Si Andres ay binitay sa bundok ng Maragondon kasama ang kapatid na lalaki na si Procopio noong ika 10 ng Mayo taong 1897.

Image result for akda ni andres bonifacio

PAGIBIG SA TINUBUANG LUPA

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat,
Umawit, tumula, kumanta't sumulat,
Kalakhan din niya'y isinisiwalat.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
Na hinahandugan ng buong pagkasi,
Na sa lalong mahal nakapangyayari,
At ginugulan ng buhay na iwi?
Ito'y ang Inang Bayang tinubuan:
Siya'y ina't tangi sa kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanang ng araw
Na nagbigay-init sa buong katawan.
Kalakip din nito'y pag-ibig sa Bayan,
Ang lahat ng lalong sa gunita'y mahal,
Mula sa masaya'y gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa'y mapasa-libingan.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasa-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.
Pati ng magdusa'y sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa bayan
At lalong mahirap. Oh, himalang bagay!
Lalong pag-irog pa ang sa kanya'y alay.
Kung ang bayang ito'y masasa-panganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid;
Isang tawag niya'y tatalikdang pilit.
Hayo na nga, hayo, kayong nagabuhay
Sa pag-asang lubos ng kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan,
Hayo na't ibangon ang naabang bayan!
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak
Ng kahoy ng buhay na nilanta't sukat,
Ng bala-balaki't makapal na hirap,
Muling manariwa't sa baya'y lumiyag.
Ipahandug-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo'y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
                                                        Ito'y kapalaran at tunay na langit!

Sampung Utos ng Mga Anak ng Bayan


  1. Ibigin mo ang Diyos nang buong puso.
  2. Pakatandaang lagi na ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay siya ring pag-ibig sa Tinubuan, at iyan din ang pag-ibig sa kapwa.
  3. Itanim sa iyong puso na ang tunay na kahalagahan ng puri’t kaginhawahan ay ang ikaw ay mamatay dahil sa ikaliligtas ng Inang-Bayan.
  4. Lahat ng iyong mabuting hangad ay magwawagi kapag ikaw’y may hinahon, tiyaga, katwiran at pag-asa sa iyong inaasal at ginagawa.
  5. Pag-ingatan mo, kapara ng pag-iingat sa sariling puri, ang mga pasiya at adhikain ng K.K.K.
  6. Katungkulan ng lahat na ang nabibingit sa malaking kapahamakan sa pagtupad ng kanyang tungkulin ay iligtas sukdang ikapariwara ng sariling buhay at kayamanan.
  7. Ang kaugalian natin sa ating sarili at sa pagtupad ng ating tungkulin ay siyang kukunang halimbawa ng ating kapwa.
  8. Bahaginan mo ng iyong makakya ang sino mang mahirap at kapuspalad.
  9. Ang sipag sa paggawa na iyong ikabubuhay ay siyang tunay na sanhi ng pag-ibig, pagmamahal sa sarili, sa inyong asawa’t mga anak sa iyong kapatid at mga kababayan.
  10. Parusahan ang sino mang masamang tao’t taksil, at purihin ang mabubuting gawa. Dapat mong paniwalaan na ang tinutungo ng K.K.K. ay mga biyaya ng Diyos; na anupa’t ang ninanasa ng Inang-Bayan ay mga nasain din ng Diyos.


ANG DAPAT MABATID NG MGA TAGALOG 
Ni: Andres Bonifacio 

Itong katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalung-lalo na ang mga taga-Hapon, sila ay kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kayat dahil dito'y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakikipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo'y aakayin sa lalong kagalingan, at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo.Gayon man, sila'y ipinailalim sa taal na kaugalian ng mga Tagalog na sinasaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kukumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga ugat, at yao'y inihalo't ininom nilang kapwa , tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na hindi magtataksil sa pinagkayarian. Ito'y siyang tinatawag na Sandugo (1) ng Haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakinatawan ng hari sa Espanya.(2) Buhat nang ito'y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong dantaong mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan; ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan. Ginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng buhay sa pagtatanggol sa kanila; kinakahamok natin sampu ng tunay na mga kababayan na ayaw pumayag na sa kanila ay pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at mga Olandes na nagbalak na umagaw sa kanila nitong Katagalugan. Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol? Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala. At ang mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo ay lalong gigisingin sa kagalingan? Bagkus tayo'y binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan. Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan. At kung tayo'y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo'y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na mga anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng malahayop na kabangisan. Ngayon, wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan. Ngayon, lagi nang ginagambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, balo't mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya (3) ng mga manlulupig na Kastila. Ngayon, tayo'y malulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan, na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam. Ngayon, lalo't lalo tayong nabibilibiran ng tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya'y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang mga kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo'y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan. Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagmulan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa atin ay inuumang ng mga kaaway. Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang nabulag na kaisipan, at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa minimithing kaginhawahan ng bayang tinubuan.

Comments

Popular posts from this blog

PANITIKAN SA PANAHON NG HIMAGSIKAN AT PROPAGANDA